Monday, August 19, 2013

Dear Porky,

Kamusta ka na? San ka nga ba nakatira? Alin ba dun sa 30 addresses mo ang tinitigilan mo talaga? Di kasi kita maabutan kapag bumibisita ako sa bahay mo sa Forbes, Ayala, at BGC eh.
Kung ako naman ang iyong tatanungin eh maayos naman kami, sa awa at gabay ng Diyos. May bintana at kisame na ngayon ang bahay namin. Dati kasi sobrang lamig kapag tag-ulan at sobrang init naman kapag tag-init tapos sako naman ang bintana namin.

Kamusta yung mga businesses mo? Mukang malakas ang benta ng mga kaluluwa ngayon ah. Ako naman e ok lang, nagtuturo pa rin ako sa kolehiyo at masaya naman. Medyo nakakapagod lang. Tsaka sa totoo lang e di ko na tinitignan yung payslip ko. Danlake kasi nung kaltas ng buwis eh. Pero ayos lang, para naman yon sa ikauunlad at ikagaganda ng bayan, gaya ng sabi mo, diba?

Uy sya nga pala, two years ago, napa-tiles na rin namin ang sahig namin at napapinturahan na rin ang dingding ng loob ng bahay, after almost 30 years ng pagtira namin dito. Tyaga tyaga at ambagan lang. Pero sa ngayon, wala pa ring palitada yung harapan ng bahay namin at wala paring pintura. Ok lang naman dahil at least e hindi na umuulan sa loob ng bahay di gaya dati. Masaya ang pamilya dahil unti-unti ay nakakaalpas na kami sa kahirapan.

Parang nakita ko yung BMW mo na nakapark sa Casino sa Tagaytay. Alin ba sa 30 na luxury cars mo ang madalas na ginagamit mo? Ay sabagay, kung may 30 cars ka, once a month mo  lang gamitin dahil iba bawat araw. Pero i-start mo rin paminsan minsan ha? Sabi nung tyuhin kong mekaniko, masisira daw kotse pag natulog ng matagal.

Yung dyip ni papa, bulok na pero maayos pa naman. Tumatakbo pa at nakakapagbyahe pa sya ng mga studyante. Salamat sa Diyos at yung dyip na yun ang bumuhay sa pamilya namin. Nakabili din ako ng motor pero hinuhulugan ko pa. Naka-isang taon na ako! Dalawa nalang at akin na talaga yun! Gusto ko na nga sana makabili ng kotse e, pero wala pa kasi akong pang-hulog sa ngayon.

Pasensya ka na nga pala at di ako nakadalo sa pa-party mo nung nakaraang buwan sa Sofitel. E pano kasi nahihiya ako, butas na pala ung swelas ng sapatos ko e baka lamigin ang paa ko. Inaantay ko pa yung sunod na sweldo para makabili ng bagong sapatos. Tsaka diba malakas ang aircon sa mga 5-star na hotel?

Kamusta na pala yung kalusugan mo? Di ka ba naaalta-presyon? Kami ay ok naman. Buti at may napipitas na gulay sa likod-bahay, pang-sahog sa isda. Healthy living kuno, pero ang totoo e nagtitipid lang. Ang mahal naman kasi ng kilo ng baka at baboy ngayon. Pero ok rin, sexy kami. Hahaha!!!

O pano? Hanggang sa muli nating pagkikita. Dadalawin kita…

Nagmamahal,


Boy Tiklis