Kaninang umaga, habang nakikinig sa mensahe ni Mam Evelyn Feliciano sa Sunday worship service, nilapitan ako ng aking inaananak na si Leiah. At gaya ng nakagawian, nagmano sya, humalik sa pisngi, at yumakap.
Si Leiah ay limang taong gulang at natural na malambing (kahit nga si Kay, na unang beses nya palang nakita ay kinaibigan na nya…at tinawag na “ninang”—at dahil don nakatipid ako sa regalo nung pasko…hehehe…)
Anyway, sa gitna ng kanyang paglalambing ay bigla nya akong tinanong, “Ninong, ano’ng gusto mo paglaki ko?” Dahil nakapokus ako sa pakikinog, ang unang pumasok sa isip ko e kung ano ang gusto ko para sa kanya: guro, nars, doktor, etc.
Di pa ako sumasagot ng dugtungan nya ang tanong, “Kase si Daddy laptop, si mommy naman t-shirt, sampu daw, si Eunice [nakababatang kapatid nya] pangcolor, tapos ako siguro…ahmmm.. spaghetti…e ikaw ninong?”
Napangiti ako. Maraming bagay ang dagling pumasok sa isip ko.
“Ahmm… ako siguro…Piano” Pangiti kong sagot sa kanya.
“Piano? Ah..sige!” Masaya n’yang sagot, sabay yakap.
Sa kanyang pag-alis, bigla kong naalala ang minsang sinabi sakin ni Mama na noong bata daw ako ay para akong si Leiah…madaming gustong gawin sa buhay. Pag tinanong mo daw ako noon, ang sasabihin ko gusto ko maging astronaut; kinabukasan, piloto ng eroplano; sa isang linggo; scientist naman. Pero never ko daw nabanggit na gusto ko maging guro.
Naisip ko tuloy, may naipangako din kaya ako kay mama? Sampung t-shirt? Daster? Typewriter? Radyo? Ref? Oven? TV? Nabigay ko kaya?
Tinext ko agad si Kay para sabihin ang saloobin ko, at ang agad nyang sagot ay, “hindi pa naman huli ang lahat para tuparin kung ano man ang pangako mo…”
Sa isang simpleng tanong ni Leiah, napagmuni-muni ako; nagiisip-isip hinggil sa mga bagay na hindi na gaanong napapansin sa gitna ng kabisihan.
Ngayong panahon ng graduation, naibalik kaya natin sa ating mga magulang ung mga “pangako” na binitiwan natin sa kanila? Natupad kaya natin ang mga pangarap nila para sa atin? Nasagot kaya natin ang mga katanunang na bumabalot sa kanilang isipan, habang umiikot ang pwit sa pag-iisip kung saan kukuha ng pang-matrikula at pambaon natin sa isang panibagong linggo?
Sa totoo lang, hindi lang naman ito ang ekslusibong panahon para magpasalamat at tumupad sa mga pangako. Araw-araw, dapat ay may katuparan: kung nagawa mo ung nasa “To-Do List” mo; kung naipasa mo ang requirements sa subject; kung na-beat mo ang deadline mo sa boss mo; at marami pang iba.
Ikaw? Anon’ng gusto mo paglaki mo?
No comments:
Post a Comment