Wednesday, May 12, 2010

REPLEKSYON

Eunice (4 y.o.): Kuya Matt! Kuya Matt! Pakinggan mo [sabay turo sa dibdib] tumitibok noh? Kay Ate Leiah din tumitibok e. Sa’yo?

Matt: [thin smile] Hmmm…sige nga… pakinggan mo nga…

Eunice: Tumitibok din! Ang galing!

***

Bawat araw tumatanda tayo. Pero hindi araw-araw ay may pinagkakatandaan tayo. Nainggit ako sa pagka-inosente ni Eunice. Takbo lang sila ng takbo, laro lang ng laro. Hindi siya nababahala sa kung ano’ng meron sa paligid; ni hindi niya alintana ang eleksyon at ang kaakibat nitong kaguluhan.

Bawat araw ay bagong buhay. Pero madalas, tayo mismo ang kumikitil sa ating mga sarili dahil pinipilit nating isipin na mahirap ang buhay, na malungkot ang buhay, na maraming problema sa buhay. Sa lahat ng nabanggit, natatabunan ng mga pang-uri ang pangalan na s’yang dapat na maging sentro ng usapan. Mahirap, malungkot, maraming problema. Pero hindi ba’t yung buhay palang ay dapat ng ipagpasalamat?

Bawat araw ay may bago. Pero madalas ang tinitignan natin at binibigyan ng atensyon ay ang mga bagay na meron na tayo. Mahirap nga naman talagang baguhin ang nakasanayan na.

Bawat araw ay bagong aral. Pero madalas, hindi natin ito iniintindi dahil akala natin alam na natin ang lahat. Madalas iniisip nating kaya na natin, pero ang totoo, hindi pa naman pala. Madalas na nadidisgrasya ang taong maraming alam.

Bawat araw ay may dapat ipagpasalamat. Pero madalas hindi tayo nakukuntento, at ito…ito ang pinagmumulan ng hirap, lungkot, at problema.

Guilty ako sa lahat ng pinagsasabi ko sa itaas, at malamang, ikaw rin. Pero kung matutunan nating bitiwan lahat ng mga suntok sa buwan na pangarap natin, kung yayakapin natin ang katotohanang hindi natin kayang alamin at gawin lahat, at kung simulang tanggapin kung ano tayo at kung ano’ng meron tayo, pihadong magiging masaya ang buhay ng tao.

***

Ngayon, ilagay mo yung kanang kamay mo sa tapat ng dibdib mo at damhin ang tibok ng puso mo…

Tumitibok ba?

Ang galing no?

No comments: