Saturday, May 7, 2011

SYOTA

Nung hayskul ako, nauso ang katagang “syota”. Hindi man malinaw ang etymology ng salitang ito, kumalat din naman agad na ito’y blending ng mga salitang “short time”. Kalaunan, ang mga romantikong Kabitenyong gaya ko ay hindi na ginamit ang salitang “syota” sa tuwing ipapakilala ang nobya sa kaibigan o kamag-anak. Dangan kasi’y di maganda ang implikasyon nito. Para bagang sinasabi mong “short time” lang o panandalian lang ang relasyon mo sa nobya/nobyo mo.

Ganito ko maihahalintulad ang mga hakbangin ng gubyerno upang solusyunan ang mga komplikadong problema ng lipunan. In all fairness sa Aquino administration, malaki naman talaga ang kaibahan nito sa nakaraang Arroyo administration. Hamak na mas mataas ang kumpyansa ng mga tao kay Noynoy kesa sa kurakot na si Gloria. Hamak na may pag-asa naman ngayon kesa nuong panahon ni Gloria na tila gumawa ng kultura ng kakurakutan na tumimo sa kaibuturan ng kaisipan ng bawat Pilipino.
Nakakagulat at nakakatakot isipin na sa murang edad, may ilang mga bata ang natuto ng manlamang sa kani-kanilang kalaro. Nakakagulat at nakakatakot isipin na ang mga magulang nila’y walang pakialam, tanging iniisip ang sikmurang kumakalam. Samantalang totoong pangunahing isyu na mapunanan ang kagutuman ng mga tao, mahalaga rin namang tignan at busisiin ang ilan pang mga mahahalagang salik na nakadadagdag sa tila di-mapagaling na kanser ng lipunan.

Mga salik na HINDI SYOTA.

Cash Transfer Program a.k.a. LIMOS

Enero ng taong 2008 ng simulan ang malawakang Conditional Cash Transfer Program (CCTP) ng gubyerno. Layon nito na makatulong sa mga mahihirap nating kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera sa mga piling pinakamahihirap na pamilya. (Ayon sa DSWD, P500 para sa bawat pamilya kada buwan bilang health and nutrition grant at P300 na education grant sa bawat batang nag-aaral kada buwan ang ilalaan ng gubyerno. Source: http://unpan1.un.org/intradoc/groups/public/documents/ungc/unpan040549.pdf) Wala namang problema dito. Sa katunayan, maganda nga ito at may maramdaman man lang ating mga kababayan na tulong mula sa gubyerno.

Subalit para sa akin, isa itong SYOTA o short time solution. Kung aalisin ang euphemism sa title ng CCTP, ito’y isang “limos” para sa mahihirap nating kababayan; regular na limos. In fairness, inamin naman ng gubyerno na ito’y short term lamang. “The intention of the CCT program is not only to give solution in the short run but also to frame concrete solutions in the long run.” (Positive News Media)

Ang tanong ngayon, makalipas ang tatlong taon, asan na kaya ang “long run concrete solutions”?



Public Transport Assistance Program (PTAP) a.k.a. Pantawid Pasada

Noong lunes naman, May 2, 2011, sinimulan ng Department of Energy (DOE) ang pamimigay ng smart cards na maaaring gamitin ng mga tsuper sa kanilang pagpapakarga ng krudo sa mga piling gasolinahan. Sa ilalim ng programang ito, bibigyan ng gubyerno ang mga jeep at tricycle na may lehitimong prangkisa ng ) P1,050 kada buwan para sa jeep at P150 kada buwan. (NOTE: Mga jeep at tricycle na may prangkisa ang bibigyan at HINDI ang mga tsuper mismo.) Muli, isa itong magandang aksyon na mula sa gubyerno. Subalit tila minamaskarahan nito ang tunay ng isyu na dapat ay pagtuunan ng pansin—ang patuloy na paglobo ng presyo ng petrolyo.

Minsang nakapagchat kami ng bestfriend kong si Alfie. Nasa Dubai sya at lagi n’yang pinagmamalaki na masarap gumala sa Dubai lalo na’t may kotse s’ya. Mura lang daw kase ang gas doon. Syempre naman, pangunahing produkto ng Dubai ang petrolyo.

Dahil dito, di ko maiwasang magtanong, sa ibang bansa kaya kada araw nagbabago ang presyo ng petrolyo?

Ang ugat ng kahirapan

Hindi ako eksperto sa ekonomiya at sosyolohiya. Pero sa tingin ko, kahit ordinaryong mamayan ay maiisip ang mga ugat ng kahirapan. Para sa akin isa lang ang pinaka-ugat ng kahirapan sa Pilipinas: Kamangmangan. Syempre napakarami pang ibang ugat ng problema, pero para sa akin, ang lahat ng ito’y sumanga na lamang mula sa kamangkamangan. At ang pinakamatinding sanga nito ay ang over population.
Sa dinami-dami ng likas na yaman na biyaya sa atin ng Diyos, bakit nga ba mahirap ang Pilipinas?
Para sa akin ang kawalan ng edukasyon ang sanhi ng kahirapan. E teka? Di nga ba’t kahirapan ang dahilan kung bakit hindi makapag-aral ang mga bata?

Mismo.

Pero dahil mahirap, hindi na ba dapat mag-aral? Ito ang pangunahing dapat tugunan ng gubyerno, kung paanong mapapanatiling nag-aaral ang mga Pilipino. Ito naman talaga ang ibig sabihin ni Gat Jose Rizal “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Pero nakalulungkot na naging cliché na lamang ito. Paano magiging pag-asa ng bayan ang isang kabataan na walang pinag-aralan? Na walang alam gawin kundi ang tumambay? Pag-asa pa nga ba ang mga kabataan? O pabigat?

Sasabihin ng iba, e nag-aral naman ako a? Pero talagang walang makuhang trabaho dito sa Pilipinas. Komplikado ang isyu ng employment. Pero ang isang nakikita kong ugat nito ay ang sanga ng kamangmangan: over population.

Marami namang trabaho sa Pilipinas, pero tila mas marami ang supply ng tao kesa sa demand ng trabahador. Bukod pa rito, maraming mga potensyal na trabahador ang wala namang kaalaman o kakayanan.

Kongklusyon

Komplikadong usapin ang kahirapan at hindi ito kayang masolusyunan sa isang upuan lamang. Subalit ang aking panawagan sa gubyerno: HUWAG SYOTAIN ANG PROBLEMA NG BAYAN. Salamat sa aksyon, salamat sa pagtugon, salamat dahil ginagawa ninyo ang inyong trabaho. Pero hari nawa’y bigyang pansin at tugunan din ninyo ang mga ugat ng problemang Pilipino at mahanapan ng pangmatagalang solusyon.

No comments: