Tuesday, August 2, 2011

Ang Wika at ang Pagtuklas sa Sarili

Nagsimula ang lahat sa suhestiyon ni Kay na panuorin ko ang dokyu ni Howie Severino na pinamagatang "Itinaga sa Bato". Ngayon, nasa proseso ako ng pag-aaral at pagbabasa-basa tungkol sa BAYBAYIN. Wala pa akong gaanong alam dito, kung kaya't hindi ako susubok na magpakita ng anumang teorya o pananaw sa katunayan o kabulaanan nito (dahil ito ang isa sa mga nagiging debate ngayon)


Sa dami ng mga nabuksang pinto ngayong gabi sa aking panonood, sisikapin kong isulat ng may kaayusan ang mga ideyang naisip ko at naisip ni Kay (dahil nagchachat kami habang pinapanood ko ito). 


1. Ang Baybayin sa Akademikong Perspektibo


Mula sa perspektibo ng pag-aaral at pagtuturo ng wika (language learning and language teaching), nakakita ako ng liwanag na maaring mag-ambag sa pagpapalaganap ng Mother-Tongue Based Multilingual Education Program (MTB-MLE). Mula noong matutunan ko ang MTB-MLE at itinuro ito sa ilang mag-aaral din ng wika, pinanghawakan ko na ang mga positibong aspeto ng pagpapalago ng sariling wika o Mother Tongue. Naniniwala akong ang Wika ay repleksyon at representasyon ng kultura at ang pagkatuto ng sariling wika at ng sariling kultura ay isang mahalagang salik hindi lamang sa pagpapaunlad ng sarili kundi pati na rin sa pagpapaunlad ng buong bansa. Kung ang bawat bata ay magkakaroon ng kaalaman at kasanayan sa sarili niyang wika, magagawa niyang maintindihan ang mga bagay na nakapaligid sa kanya. Mapayayabong nito ang kanyang pag-iisip (cognitive at metacognitive) na siya rin namang magdudulot ng kanyang kakayanang maintindihan ang iba pang bagay at aralin na nanggagaling sa ibang mga bansa o kultura. Ang pagbuhay sa Baybaying Pilipino (o Alibata) ay isang ambisyosong pangarap at pagkilos na siguradong tataasan ng kilay ng ilan sa ating mga kababayan. Anu't ano pa man ang kahinatnan nito, isa itong magandang simula. Panahon na upang magising ang kamalayan ng kabataang Pilipino sa pinanggalingan ng kanyang lahi!


2. Ang Baybayin bilang tabak na wawasak sa Kolonyal na pag-iisip


"...natutuwa ako at pinagmamalaki ko na...before the Spaniards came kumakain na kame sa imported na pinggan...at hindi sa bao o dahon ng saging lamang..." Dr. Lim


Oo nga naman. Kanino ba nanggaling ang kaisipan na bago dumating ang mga Kastila, tayo'y walang sibilisasyon? Na tayo'y mangmang? Syempre, sa Kastila. Ang pagsulat ng Kasaysayan mula sa perspektibo ng mga mananakop ay isang napakaepektibong paraan ng pagpapanatili ng kanilang paghahari. "O..kung di kami dumating edi hanggang ngayon ay mangmang kayo???" Ito ang kaisipang dala ng bawat tekstong inilimbag ng mga Kanluranin. Sa pamamagitan nito, tila nagkaroon pa ng utang na loob ang mga Pilipino sa kanila. Samantalang sila itong nagnakaw at naglaspag sa ating mga yaman!


Ang paglaganap ng Baybayin (lalo na kung ito'y maisasama sa aralin ng mga estudyante sa elementarya o hayskul) ay isang matibay na armas sa pagbuwag ng Sikolohiyang Kolonyal sa bawat Pilipino. Aminin man natin o hindi, malaki ang epekto nito sa pagpapaunlad ng indibidwal sa kanyang sarili at sa pagunlad ng buong bayan. Ang mentalidad na maka-kanluran ay isang malaking hadlang sa ating pag-sulong sa kaunlaran. Tandaan nating HINDI KANLURAN ANG SUSI SA KAUNLARAN.


3. Ang Baybayin sa Pananaw ng Literatura


Hindi ako mag-aaral ng literatura (bagamat may ilan akong literature subject noong kolehiyo) kaya't nagtanong ako kay Kay kung ano ang kanyang masasabi sa Baybayin mula sa perspektibo ng literatura. Simple at deretso ang kanyang sagot: 



"...basta ako naniniwala ko sa oral tradition di na kelangan ng taga sa bato para patunayan na me sibilisasyon tayo..."

Oo nga naman. Yun lamang katotohanan na umabot sa ating panahon ang mga kwento ng ating mga ninuno ay sapat na upang patunayan na may sarili tayong sibilisasyon bago pa man dumating ang mga kastilang mananakop. 

Naniniwala ako sa sinabi ni Kay. Pero hindi rin naman natin maitatangging ang pagsulat ay isang napakahalagang salik ng pagpapanatili ng ating kultura, literatura, at wika. 

4. Ang Baybayin at ang mga posibleng lagim nito...

Inihuli ko ito hindi upang basagin ang mga nauna kong isinulat, kundi upang maging bukas sa mga posibilidad. Maganda ang pagkilos na ginagawa ng grupong nasa likod ng Baybayin. Subalit hindi ko maalis na mag-alala at malungkot. 

Una, halatang ito'y pagkilos ng pribadong sektor. Nakalulungkot isipin na kailangang mauna pa ang pribadong grupo sa pagsaliksik ng mga ganitong bagay. Alam naman natin ang epekto nito: limitado lamang ang maaaring makaalam at matuto nito, dahil kung pribado ito, pihadong may bayad ito. (Hal. sa Disyembre ay bubuksan ang "Mind Museum" sa Taguig. Maganda ito, pero yun nga lang, pribado ito at malamang na mahal ang bayad para makapasok. Ang mga batang walang pera...wala ring pagkakataong matuto.)

Pangalawa, nakakatakot na baka ang paglaganap nito'y ningas kugon lamang, gaya halimbawa ng AKO MISMO na tila hanging mabilis na nakapanghikayat ng kabataan...at tila hangin din na biglang naglaho. Mahilig ang mga Pilipino sa ganito: mga magandang simulain...pero di kayang panindigan o tapusin. 

Pangatlo, baka dahil nga pribadong sektor ang kumikilos ay maging komersyalisado masyado ang adbokasiyang ito at matabunan ang mas malalim at mas mahalagang hangarin ng pagtuklas at pagkatuto.


Heto ang link sa Youtube ng Dokyu ni Howie:


PART 1



PART 2

1 comment:

of_purplewings said...

Tandaan nating HINDI KANLURAN ANG SUSI SA KAUNLARAN.

-Tama!:D

Best in Filipino ang blog mo tay... Maganda talagang talakayin ang usapin patungkol sa Baybayin. Gusto kong manuod at magmasid kung hanggang saan ang aabutin ng pagkilos nila. Sana nga may maidulot silang kapakipakinabang at hindi lang basta "fad".