Wednesday, September 30, 2015

Heneral Luna (mini-critique)

Sa last full show ng Heneral Luna kagabi sa Rob Dasma, may nakatabi kami ni misis na magjowa. Tanong ni lalake, "Si Joven ba si Rizal?" Sasagutin ko sana, pero syempre pointless naman at baka sabihing epal o baliw ako (pinigilan din ako ni misis). Isasagot ko sanang, "Hindi. Ikaw sana si Joven. Pero ikaw nga ba?" Nung una naasar ako, para kasing kapareho ito nung kumalat na tanong kung bakit nakaupo lang si Apolinario Mabini. Totoong nakakaasar, pero sa kabilang banda, mabuti-buti na rin at nagtatanong. Dahil kung walang magtatanong, wala ring sasagot.

Mahusay ang pagkakabuo ng pelikula hindi lamang dahil sa pagbaba ng mga bayani mula sa pedestal (i.e. na tao lang din naman sila gaya natin), kundi dahil sa sining na bumubuo rito.

Isa na ang pagpapakita ng Spoliarium sa eksenang hinihila ang bangkay ni Luna Dito ay napaisip ako sa kwento ng ipininta ni Juan Luna. Noon, inisip kong mga Kastila ang humihila sa mga "spolias" o "spoils of war/gladiator matches. Sa pelikulang ito nakita kong oo nga, Pilipino rin naman ang nagpapatayan sa isa't isa, at kitang kita ito sa panahon ng Social Media--ang magpatayan sa pamamagitan ng wika at komento.

Pangalawa ang huling bahagi kung saan tila ginamit ni Tarrog ang mala-Akutagawa na format sa pagsisiwalat ng aliibi ng mga sangkot sa krimen ay nagpapakita ng sistemang umiiral sa ating hudikatura maging pati na rin sa ating pagkatao. (Note: Kung hindi pa nababasa, basahin ang "In a Grove" ni Ryonosuke Akutagawa upang may mapagkumparahan.)

Pangatlo, gustong gusto ko ang pagtatapos ng pelikula kung saan unti unting nauupos ang bandila habang si Joven naman ay pinapanood ito. Bago pa man maupos ang watawat, tumindig siya at natapos ang pelikula. Dito makikita ang paglalapat ng kongklusyon sa mga kamay ng mga Joven na gaya mo. Panonoorin mo nalamang ba ang Heneral Luna at magpopost sa Facebook na nagandahan at na-astigan ka para makidaloy sa uso? O tatayo ka, buong husay na mag-aaral, buong sipag na magtatrabaho at mag-aambag hindi lamang para sa sarili at sa pamilya, kundi lalong lalo na sa bayang sinisinta?

Nasa mga kamay n'yo ang desisyon, mga Joven, duguan man ito o hindi.

(Note: Ang salitang "Joven" ay Kastilang salita na nangangahulugang "young" o "kabataan")

(Nepomuceno, 2015)

‪#‎HeneralLuna‬
‪#‎ArtikuloUno‬

(P.S. Baka may kakilala kang nag-last full show kagabi sa Rob Dasma, paki-share nalang ito sa kanya. Hindi upang ipahiya siya, kundi upang imulat siya.)

No comments: