Tuesday, May 3, 2022

Mahaba at Mahirap na Proseso

 Mahaba at Mahirap na Proseso

 

Ganito ang edukasyon.

 

Ang pagkatuto ay hindi nagaganap sa maghapon at ito ang rason kung bakit may matinding laban na hinaharap hindi lamang ang sangkaguruan kundi ang buong mundo. Sa panahon ng internet, mabilis pa sa COVID-19 virus ang pagkalat ng kasinungalingan. Biktima nito ang lahat ng tao: bata, matanda, may pinag-aralan o wala. Matindi rin ang epekto nito dahil hindi lamang nito binabaluktot ang kaisipan ng tao, pinasasama rin nito ang pag-uugali natin.

 

Napansin mo ba? Kapag may nabasa o napanood ka sa Social Media na salungat sa pinaniniwalaan mo at doon sa alam mong totoo, nagagalit ka. Natural lang naman yon. Pero umabot ka na rin ba sa punto na gusto mong murahin, awayin, o hamunin ng suntukan yung nakapalitan mo ng komento?

 

Napansin mo ba? Na sa kaka-Facebook o TikTok mo, naapektuhan na yung mental health mo. Tapos para solusyunan yon, naisip mong i-unfriend na lang sila. Nakaligtaan mong may iba pang pwedeng gawin, gaya ng i-unfollow sila (para ‘di mo na makita yung mga nakaka-inis na post nila). O di kaya literal na ‘wag na lang sila pansinin at sa halip ay atupagin ‘yung paggawa ng dapat at tama.

 

Napansin mo ba? Na parang masaya ka na kapag napapahiya sila? E syempre, napatunayan mo na tama ka at mali sila eh. Napatunayan mong ikaw yung matalino, may pinag-aralan. At sila, mahina, walang alam, uto-uto.

 

Pero hindi ba, mas dapat tayong malungkot, magnilay, at gumawa ng hakbang para itama ang mali, kesa patulan ang mali? Sabi nga sa lyrics ng kantang “Hindi na Makita” ng bandang Wilabaliw “Patulan mo, lasing, mas lasing ka do'n”

 

Ito ang pinili ko. At sana, sa mga kapwa kong guro, ito rin ang piliin natin. Alam ko. Mahirap. Kahit ako, gusto mangonyat.

 

Pero kesa ubusin ang aking panahon at lakas sa pakikipagtalo sa Social Media, pinili kong gamitin ang aking lakas at kaalaman para ituro ang tama at itama ang mali sa maliit naming komunidad.

 

February 2021 noong magsimula kaming makipag-partner sa PETA (Philippine Educational Theater Association). Pinalabas namin sa FEUCSHS yung Play nila na “Si Juan Tamad, Ang Diablo, at Ang Limang Milyong Boto”. Siniguro namin na hindi lang sila manonood tapos gagawa ng “reaction paper”. Nagsagawa kami ng talkback na ang layunin ay Voter Education. Sinikap namin na ma-encourage ang mga SHS namin na magparehistro at bumoto.

 

Nitong January 2022, nagsagawa naman kami ng Voter Education Summit sa pangunguna ng mga HUMSS Teachers. Reinforcement ito ng mga aral na tinuro ng PETA Play.

 

Nitong April 27 2022, pinalabas naman namin ang isa pang PETA Play, ang “A Game of Trolls”. Same format, merong talkback para prosesuhin ang mga aral ng dula gaya ng kung gaanong ka-makapangyarihan ang trolls sa pagkakalat ng maling impormasyon.

 

Bilang pagtatapos, noong April 29, 2022 ay nagsagawa kami ng Mock Elections at ito na nga yung resulta no’n. Masaya ako na may positibong epekto ang pagtuturo namin ng kasaysayan (kahit walang History subject sa curriculum ng Senior High).

 

Malungkot ba ako na may 12.09% na pumili kay Mr. Marcos? Medyo. Pero sa experience ko bilang teacher, hindi naman talaga mangyayare na 100% ay fully matututunan ng mag-aaral yung lesson sa lahat ng pagkakataon. Gaya ng nabanggit ko sa itaas, mas challenging pa ito ngayon kase may ibang sources of information na ang mga tao at kung hindi susuriin ng maayos, mapapaniwala ka talaga.

 

Para sa akin, ang 12.09% na ito ay room for improvement. Ibig sabihin, yung mga programa namin ay may positibong impact, pero may pwede pang gawin para mas lalong maging epektibo ito.

 

Gusto ko linawin na wala akong ineendorsong kandidato. Sa isang demokrasya, mahalagang ang bawat isa ay magkaroon ng inidibidwal na desisyon sa kung sino ang dapat n’yang iboto. Pero masaya ako sa resulta. Bilang isang teacher, hindi naman pwedeng tutunganga lang tayo habang binabaluktot nila ang ating kamalayan.

 

Maraming mahalagang aral ang itinuro ng Martial Law. Bali-baliktarin man natin ang mga pangyayari, malinaw ang katotohanan: pinagtakpan nito ang pagnanakaw ng mga Marcos at ng mga cronies nila; sinikil nito ang karapatan ng mga tao; at pinatay nito ang mga taong naghayag ng kanilang saloobin laban sa diktadurya.

 

Ito ang dahilan kung bakit natin sinasabing #NeverAgain. Dahil hindi tayo dapat pumayag na muling mangibabaw ang kasamaang minsan na nilang tinanim ng napakalalim sa ating bansa.

 

Sa huli, bilang isang Kristiyano, ang dalangin ko araw-araw ay payapa at malinis na halalan. Naniniwala at nagtitiwala ako sa dakilang plano ng ating Diyos na Buhay at Makapangyarihan sa lahat.