Mahaba at Mahirap na Proseso
Ganito ang
edukasyon.
Ang
pagkatuto ay hindi nagaganap sa maghapon at ito ang rason kung bakit may matinding
laban na hinaharap hindi lamang ang sangkaguruan kundi ang buong mundo. Sa
panahon ng internet, mabilis pa sa COVID-19 virus ang pagkalat ng kasinungalingan.
Biktima nito ang lahat ng tao: bata, matanda, may pinag-aralan o wala. Matindi
rin ang epekto nito dahil hindi lamang nito binabaluktot ang kaisipan ng tao, pinasasama
rin nito ang pag-uugali natin.
Napansin mo
ba? Kapag may nabasa o napanood ka sa Social Media na salungat sa
pinaniniwalaan mo at doon sa alam mong totoo, nagagalit ka. Natural lang naman
yon. Pero umabot ka na rin ba sa punto na gusto mong murahin, awayin, o hamunin
ng suntukan yung nakapalitan mo ng komento?
Napansin mo
ba? Na sa kaka-Facebook o TikTok mo, naapektuhan na yung mental health mo.
Tapos para solusyunan yon, naisip mong i-unfriend na lang sila. Nakaligtaan
mong may iba pang pwedeng gawin, gaya ng i-unfollow sila (para ‘di mo na makita
yung mga nakaka-inis na post nila). O di kaya literal na ‘wag na lang sila
pansinin at sa halip ay atupagin ‘yung paggawa ng dapat at tama.
Napansin mo
ba? Na parang masaya ka na kapag napapahiya sila? E syempre, napatunayan mo na
tama ka at mali sila eh. Napatunayan mong ikaw yung matalino, may pinag-aralan.
At sila, mahina, walang alam, uto-uto.
Pero hindi
ba, mas dapat tayong malungkot, magnilay, at gumawa ng hakbang para itama ang
mali, kesa patulan ang mali? Sabi nga sa lyrics ng kantang “Hindi na Makita” ng
bandang Wilabaliw “Patulan mo, lasing, mas lasing ka do'n”
Ito ang
pinili ko. At sana, sa mga kapwa kong guro, ito rin ang piliin natin. Alam ko. Mahirap.
Kahit ako, gusto mangonyat.
Pero kesa
ubusin ang aking panahon at lakas sa pakikipagtalo sa Social Media, pinili kong
gamitin ang aking lakas at kaalaman para ituro ang tama at itama ang mali sa
maliit naming komunidad.
February
2021 noong magsimula kaming makipag-partner sa PETA (Philippine Educational
Theater Association). Pinalabas namin sa FEUCSHS yung Play nila na “Si Juan
Tamad, Ang Diablo, at Ang Limang Milyong Boto”. Siniguro namin na hindi lang
sila manonood tapos gagawa ng “reaction paper”. Nagsagawa kami ng talkback na
ang layunin ay Voter Education. Sinikap namin na ma-encourage ang mga SHS namin
na magparehistro at bumoto.
Nitong
January 2022, nagsagawa naman kami ng Voter Education Summit sa pangunguna ng
mga HUMSS Teachers. Reinforcement ito ng mga aral na tinuro ng PETA Play.
Nitong
April 27 2022, pinalabas naman namin ang isa pang PETA Play, ang “A Game of
Trolls”. Same format, merong talkback para prosesuhin ang mga aral ng dula gaya
ng kung gaanong ka-makapangyarihan ang trolls sa pagkakalat ng maling
impormasyon.
Bilang
pagtatapos, noong April 29, 2022 ay nagsagawa kami ng Mock Elections at ito na nga
yung resulta no’n. Masaya ako na may positibong epekto ang pagtuturo namin ng
kasaysayan (kahit walang History subject sa curriculum ng Senior High).
Malungkot ba
ako na may 12.09% na pumili kay Mr. Marcos? Medyo. Pero sa experience ko bilang
teacher, hindi naman talaga mangyayare na 100% ay fully matututunan ng
mag-aaral yung lesson sa lahat ng pagkakataon. Gaya ng nabanggit ko sa itaas,
mas challenging pa ito ngayon kase may ibang sources of information na ang mga
tao at kung hindi susuriin ng maayos, mapapaniwala ka talaga.
Para sa
akin, ang 12.09% na ito ay room for improvement. Ibig sabihin, yung mga
programa namin ay may positibong impact, pero may pwede pang gawin para mas lalong
maging epektibo ito.
Gusto ko
linawin na wala akong ineendorsong kandidato. Sa isang demokrasya, mahalagang
ang bawat isa ay magkaroon ng inidibidwal na desisyon sa kung sino ang dapat n’yang
iboto. Pero masaya ako sa resulta. Bilang isang teacher, hindi naman pwedeng
tutunganga lang tayo habang binabaluktot nila ang ating kamalayan.
Maraming
mahalagang aral ang itinuro ng Martial Law. Bali-baliktarin man natin ang mga
pangyayari, malinaw ang katotohanan: pinagtakpan nito ang pagnanakaw ng mga Marcos
at ng mga cronies nila; sinikil nito ang karapatan ng mga tao; at pinatay nito
ang mga taong naghayag ng kanilang saloobin laban sa diktadurya.
Ito ang
dahilan kung bakit natin sinasabing #NeverAgain. Dahil hindi tayo dapat pumayag
na muling mangibabaw ang kasamaang minsan na nilang tinanim ng napakalalim sa
ating bansa.
Sa huli,
bilang isang Kristiyano, ang dalangin ko araw-araw ay payapa at malinis na
halalan. Naniniwala at nagtitiwala ako sa dakilang plano ng ating Diyos na Buhay
at Makapangyarihan sa lahat.
No comments:
Post a Comment