Habang isinusulat ko ito, kasalukuyan kong pinapanood ang isang mahalagang dokyu na ginawa ni Howie Severino para sa I-Witness. Hindi ako madalas manuod nito, bagamat maganda ang tema at pagkakagawa sa simpleng dahilan na madaling araw na ito naipapalabas (at 7:00 am ang aking klase sa PNU). Pero sa pagkakataong ito, hindi ko pwedeng palampasin ang dokyung ito.
Sinimulan ang dokyu sa mga iba’t-ibang paskil na makikita sa buong Metro Manila. Sa totoo lang, eto talaga ang rason ko kung bakit ko inabangan ang dokyung ito; pareho kase kame ng trip: ang magpiktyur ng mga pasala-sala, nakakatawa (pero nakakaalarmang) mga paskil sa kung saan-saan. Yun pala, ang sentro ng dokyu ay patungkol sa pangkabuuang prublema ng ating bansa; hindi lang ang mga paskil…kundi ang mismong sistema ng edukasyon na nagturo sa mga gumawa ng mga karatulang ito.
Napapanahon ang dokyu dahil sentro ng diskusyon ang Bilingual policy na matagal nang ipinatutupad sa bansa. Tama si Dr. Jovy Peregrino ng U.P., baket nga ba sa tinagal-tagal ng pag-gamit nito, e wala naman tayong nabuong English-speaking community? Simple lang ang dahilan: hindi kase yun ang wika naten.
Mas lalo pa akong naka-relate sa dokyu dahil kamakailan lamang e eto ang paksa namen ng aking mga English majors sa Foundations of ESL/EFL course: Bilingualism. Doon, napagusapan namen sa klase ang mga teoryang nakapaloob sa mga Bilingual Education policy na nilikha at minungkahi sa iba’t-ibang bansa. Ilan sa mga estudyante ko ang nagtanong kung bakit sa ibang bansa parang ayos naman ang naging resulta, e kung baket sa atin ay parang walang magandang epekto—bulok na nga sa Ingles, sabit pa pati sa Math at Science.
Sa patuloy kong pagsasaliksik, pag-aaral, at ngayon nga’y panonood, marami akong napagtanto hinggil sa mga kadahilanan ng pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Hindi lamang ito dahil sa Bilingual Education policy. May mas malalim pang mga kadahilanan, at narito ang ilan lamang sa kanila:
1. Malnutrisyon- Subukan mong magtrabaho ng walang laman ang t’yan; hindi ba’t mahirap? Hindi ba’t papalpak ka? Ganun din ang nangyayari sa mga batang Pilipino, hindi makapag-isip ng ayos dahil naglalaban sa kanyang sistema ang tanong ni Mam at ang pagkalam ng simura.
2. Walang tulong mula sa magulang- Noon pa man, lagi ko nang sinasabing ang pamilya ay may malaking parte sa pagkatuto ng bata. Magaling man ang guro, ang paaralan, at maging ang bata, kung wala naman itong dadatnang makakausap at tutulong sa kanya pag-uwi nya, malaki pa rin ang posibilidad na bumaba ang kanyang kaalaman at kagustuhang magpatuloy sa pag-aaral.
3. Kawalang-pakealam- Sa dami ng tinanong ni Howie patungkol sa mga maling karatula at paskil, iisa ang karaniwang sagot: “E pareho lang yun!” Marami sa atin ang niyakap na lamang ang kamangmangan. Para sa kanila, tuloy pa rin naman ang buhay kahit na “Bawal umehi detu” ang nakapaskil sa harap ng bahay nila.
4. Walang alam na mga guro- Pinaka-nakakaalarma na marahil ang katotohanang marami sa ating mga guro ay walang alam (at lalo na siguro kung walang planong makialam). Naalala ko pa, ang laging sermon sa’men ni Dr. Sunga noon “Don’t do further damage to mankind!” Totoo nga naman, kapag mali ang naisaling kaalaman ng guro sa mag-aaral, habang buhay nya itong dadalhin…at habang buhay din syang magiging mali—at ayon, magiging magulo na nga ang mundo, gaya ng gulo ng mga paskil na nagkalat sa Metro.
Ilan lamang ito sa napakaraming salik sa pagbagsak n gating Edukasyon. Hindi bat talagang nakakalungkot at nakakatakot na ang dating nangunguna sa Asya, ngayon ay kulelat na? Na ang dating nagtuturo sa mga kapitbahay na bansa, ngayon ay nanglilimos na lamang?
Huwag na natin asahang aangat pa ang ekonomiya ng bansa at ang estado ng pamumuhay ng bawat Pilipino, kung mismong edukasyon natin, hindi natin maalis-alis sa lusak na pinaglulubugan nito.
English major ako, English majors ang karamihan sa mga estudyante ko, at English ang subject na tinuturo ko. Pero naniniwala akong hinding-hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang pag-aaral ng sarili nating wika dahil ito ay sumasalamin sa ating kultura, sa ating pag-iisip, at sa ating sarili.
Tandaan: HINDI kailanman basehan ng “katalinuhan” ang “kagalingan” sa Ingles.
Kung sisimulan nating ituro ang mga leksyon sa wikang naiintindihan ng mga bata, mas magiging epektibo ang kanilang pag-iisip. Gayon din, mas magiging maganda ang tingin nila sa paaralan; hindi na nila iisiping ito ay isang “sumpa” na iniatang sa kanilang balikat; bagkus, iisipin nilang isa itong “laro” na dapat gawin ng madalas upang mas lalo pang maging mahusay.
No comments:
Post a Comment