Nitong mga nakaraang buwan, madalas nating makita sa telebisyon, radyo, dyaryo, at maging sa makabagong internet ang mga panawagan hinggil sa eleksyon at importansya ng pagboto sa susunod na taon. Sa isang banda, maganda itong mga ganitong pagsulong sa eleksyon. Totoo naman kasing ang pagboto ang pinakamataas na manipestasyon ng demokrasya. Higit pa rito, ang mga panawagan sa eleksyon ay isang matibay na sintomas ng pagkayamot ng mga Pilipino sa kasalukuyang administrasyon—ito’y isang malakas na panawagan na nais na natin paalisin ang skwater sa Malakanyang. Pero sa mga nakaraang pangyayari sa bansa, bilang isang botante, naisip mo rin ba ang naisip ko? Natanong mo rin ba ang tanong ko?
Una sa lahat, bakit boboto pa kung ang mga pulitiko at gubyerno ay tila bulag at bingi sa mga pangangailangan naten? Lalayo pa ba tayo? E kung yun na nga lang basura na iniwan ni Ondoy, di nila makolekta, ano pa kaya yung mas seryosong serbisyo na kailangan naten? Di bale na nga yung “serbisyo publiko” e, ang punto dito, buwis naman din natin ang gagamitin sa pagkilos na ito.
Doon kina Kay sa Fairview (at malamang sa lahat ng naapektuhan ng bagyo), nangangamoy na ang mga kalsada at bahay dahil sa tambak ng basura na tila nalimutang puntahan ng sanitation department (o ng kung sino man mula sa gubyerno—MMDA malamang). Kung hindi pa nambraso ang kapitbahay nila, hindi makokolekta ang ilan sa kanilang basura. (NB: Ang binraso ng kapitbhay nila ay isang pribadong trucking.)
Pangalawa, bakit pa boboto kung yung mismong mga dapat na Bayani e nagbabalat-sibuyas? Napansin nyo ba si Bayani nung bagyo? Ako medyo lang e, mas napansin ko pa syang nagmomoda sa mga nakahubad-baro sa kalye, kesa tumutulong sa mga wala ng maisuot na damit dahil nasalanta ng baha.
Baket kaya si Gibo (na mukang basang sisiw nung kasagsagan ng bagyo) ang panay pakyut sa media? Tapos komedi pa sila…dalawang rubber boats ang pinadala sa Marikina? Teka nga, mahina ako sa Math…pero sa tingin ko lang, kahit nga dalawang ferry boats kulang e. San kaya napunta yung budget para sa pagbili ng mga kasangkapang pangsagip?
Pangatlo, at pinakamahalaga sa lahat, bakit pa boboto, kung kaya naman pala ng Pilipino. Mga kumag kayong mga pulitiko, di naman pala namen kayo kailangan. Kaya naman pala nameng kumilos at mabuhay ng wala kayo e. Ba’t pa kaya kayo binuhay ng mga magulang n’yo? Ba’t di pa kayo namatay nung bata?
Simula nung una kong pagboto, nung magdisi-otso ako, tanong ko na to: Bakit ba boboto? Lahat ng tao bayolente ang reaksyon saken “Aba’y syempre karapatan mo yon…” “Sayang ang boto mo…” et cetera…et cetera…
Di naman ako hardcore existentialist, pero sa mga panibagong pangyayari sa ating bansa, hindi ba repleksyon nito ang kawalang kwenta ng ating gubyerno? Oo na, masyado naman akong masama; in fairness, may ginagawa naman siguro yung iilang. Pero marahil, mas magiging epektibo ito, at mas magiging mabilis ang aksyon kung gagawa nalang sila…kahit walang media sa paligid.
Bumoboto ako di dahil naniniwala ako sa isang pulitiko. Bumoboto ako kase sayang…sayang ang “slot” ko…baka may ibang gumamit e, ikapanalo pa ng mga panibagong demonyo.
No comments:
Post a Comment