Nung
Thursday sa aming cell sa Bucal, shinare ko ang mga bagay na natutunan ko sa
aking pagdedevotion: at ito ay tungkol kay Jose na isang TUNAY na LALAKE.
Sa New Testament, hindi kasing detalyado at “sikat” ang
buhay ni Jose kumpara sa ibang karakter sa Bibiliya. Masasabing ang
pinakaimportanteng role niya ay para mabuo ang isang “happy family” na eksena
sa Nativity story. Maraming posibleng analysis sa karakter ni Jose. Isa na dito
ang perspektibo ng kultura at antropolohiya. Pwedeng sabihin natin na dapat
nandoon siya sa eksena kase kung hinde, magiging bastardo si Jesus—isang bagay
na hindi katanggap-tanggap sa kulturang Hudyo noong kapanahunan nila. In fact,
ilang Bible scholars ang nakapagsabi na “stoning” o kamatayan sa pamamagitan ng
pagbato ang kaparusahan sa pagiging haliparot o kaya single moms noong panahon
ni Jesus.
Sa Matthew 1:18-25, matutunghayan natin ang maiksing kwento
at role ni Jose buhay ni Jesus (at sa kwento ng Pasko). At sa blog na ito, nais
kong magpokus sa karakter na ipinakita ni Jose upang matutunan kung ano o sino
ba talaga ang TUNAY NA LALAKE. Isa-isahin
natin ang mga verses.
- Verse 18: “…Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. (Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)”
Habang pinagbubulay-bulayan ko ang parteng ito, hindi ko
maialis na ilagay ang aking sarili sa kalagayan ni Jose. E pano kaya kung sakin
yun mangyare? Yun tipong ikakasal na kame ni Kay tapos malalaman kong buntis
siya kahit wala namang nangyare sa amin? Grabe. Kung ako yon, baka makapatay
ako.
Bukod dito, kahit ano’ng paliwanag sa akin na kaya siya
nagdadalaang-tao ay dahil sa “pamamagitan ng Espiritu Santo” hindi ako sira-ulo
o lasing para paniwalaan na mabubuntis ang isang babae ng walang pisikal na
pagtatalik. Aaminin kong magdududa ako. At baka magalit pa ako dahil dinahilan
pa ang Diyos sa kanyang pagbubuntis.
Buti nalang hindi ako si Jose.
- Verse 19: “Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya’t ipinasiya niyang hiwalayan ito ng lihim.”
Para sa isang karpintero, masasabing may mataas na
pinag-aralan si Jose. O kung hindi man, may maayos siyang “breeding” at “ethics”.
Hindi kagaya ng mga weakling na lalake sa panahong ito, hindi siya nag-astang
siga, kumuha ng itak (o kaya lagare kase karpintero siya) at nag-amok. Hindi
siya naghamon ng “Sino’ng siga dito?! LUMABAS!” o kaya “Sinong pu@#$%^& ang
gumalaw sa SYOTA KO! ILABAS NIYO!” Sa halip ay “hiniwalayan niya ito ng palihim”. Pwede natin isipin na
si Jose ay di naman totally matuwid at mabait, kase kung ganon, baket niya
hiniwalayan si Maria kahit na palihim pa ito? Sa puntong ito nakita ko ang
pagiging tao ni Jose. Tao lamang siya na may damdamin; sigurado ako, nasaktan
siya ng bonggang bongga. PERO, gaya ng sabi ko kanina, hindi siya nag-amok. Sa
halip, lihim siyang humiwalay at nagbulay-bulay.
Hindi rin siya nagpakamatay; isa pang gawain ng mga lalakeng
supot.
- Verse 20-21: “Habang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyan pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglilihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at pangangalanan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Sa panahong hiniwalayan ni Jose si Maria, pwedeng isipin
natin na baka nagpaka-Emo siya (di ko lang sure kung nagpagupit siya para
magka-bangs at matakpan yung isang mata niya na may itim na eye shadow).
Hindi sinabi sa Bible kung naglasing siya. Pwede kasi natin
isipin na baka naman hindi anghel yung nakausap ni Jose? Baka espiritu ni San
Miguel yun, as in San Miguel Beer. Pero sa tingin ko, hindi lasing si Jose.
Hindi ako Bible scholar, pero sa pagkakaalam ko lang, wala pang Gin bulag noon
na kayang bilhin ng hamak na karpintero.
Sa verse 21, naisip kong baka badtrip si Jose habang
nakikinig sa anghel. Pinipilit na nga siyang papaniwalain na ang pinagbubuntis
ni Maria ay galing sa Holy Spirit, diniktahan pa siya sa kung ano ang
ipapangalan! Pero si Jose ay may breeding at ethics. Kalmado lang siya. Hindi
siya sumagot o di kaya’y nagreklamo. Quiet lang ang lolo mo.
- Verse 22-23: “Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin siyang Emmanuel (ang kahuluga’y ‘kasama natin ang Diyos’)”
Sa verses 22-23 makikita natin ang dagdag na paliwanag ng
Anghel kay Jose na kanya namang pinakinggan at inintindi. Hindi siya nagtanong
or nakipagbargain. Pinakamahalaga ang huling dalawang verses…
- Verse 24-25: “Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Jesus.
Sa pagtatapos ng maikling salaysay tungkol sa kwento ng
pagkapanganak ni Jesus, mahalagang bigyang pansin ang PAGSUNOD ni Jose: no ifs, no
buts, basta sumunod siya. Baket kaya? Dahil kaya lasing siya? Palagay ko
hinde, kasi kung lasing siya kinabukasan matatauhan na siya diba? Pero sumunod
siya dahil meron siyang matibay na pananampalataya sa Diyos.
At take note, hindi
lang niya sinunod yung parte na papakasalan niya si Maria. Hindi pa sila
nagtalik ni Maria! Kung sa panahon ngayon, pihadong tampulan ng katatawanan si
Jose ng mga nag-aastang “tunay” na lalake. Naiputan na nga sa ulo, hindi pa
naka-iskor!
Pero naging matatag si Jose sa kanyang pananampalataya at
nanindigan siya. Sinunod niya ang Diyos hanggang sa huli. Hindi gaya ng mga
nasa teleserye na pagkatapos ipanganak ay ipinaampon o kaya tinapon ang baby,
si Jose ay naging responsible at mabuting ama. In fact, sa mga susunod na yugto
ng buhay ni Jesus ay ipinamalas ni Jose ang kanyang pagmamahal kay Jesus: mula
sa pagprotekta kay Jesus sa mga kamay ni Haring Herodes (Matthew 2:16),
hanggang sa noong siya ay maiwan sa Jerusalem noong si Jesus ay 12 years old
(Luke 2:41-52).
Mahalaga ang role na ginampanan ni Jose sa buhay ni Jesus.
Pero sa totoo lang, sa kabila nito, ang paalaala sa akin ng Lord sa aking
devotion ay hindi i-venerate si Joseph sa kanyang ginampanang role. Kundi ang
gawin siyang model ng isang Tunay na
Lalake: may paninindigan, marunong magmahal (sa asawa at sa anak), at higit
sa lahat, may matibay na pananampalataya sa Diyos.
Ngayong pasko, bukod sa mga regalo at parties, sana ay
maalala natin kung baket ba ito mahalaga. Hindi ito isang celebration dahil may
bonus o kung ano pa man. Ito ay celebration dahil ang kapanganakan ni Jesus ay
nangangahulugan ng kaligtasan; ng kadakilaan ng Diyos na nagpakababa upang tayo’y
abutin.
Ngayong pasko, huwag sana natin kalimutang mag-Thank You kay
Jesus. Hindi dahil sa pagkaing nakahain sa ating harapan o sa regaling ating
natanggap, kundi dahil sa Kanyang buhay na kanyang inialay sa mga makasalanang
tao na kagaya natin.
Isang mapagpalang pasko sa lahat, mula sa isang makasalanang
iniligtas ni Jesus!
No comments:
Post a Comment