Saturday, January 31, 2009

SERYENG EMOLASLAS: Tomo 1, Blg. 4: Ang Correlation-Coefficient bilang Panukat kung ikaw at ang Jowa mo ay para sa isa’t-isa

Sa panahong ito na usong-uso ang mga Emolaslas kids (mostly dahil sa pagkabigo sa pag-ibig), mahalagang malaman natin kung anu-ano ang mga posibleng hakbang upang maiwasan ang mga extreme cases ng ka-EMOhan.

Una sa lahat, i-identify naten ang mga usual na rason, at sa partikular na seryeng ito, magpopokus tayo sa isang rason “daw” ng mga break-ups: INCOMPATIBILITY.

Sa araw-araw kong pakikisalamuha sa ibat-ibang uri ng tao (at sa araw-araw kong pag-uusi sa mga usapan ng mga studyante sa dyip, ng mag yuppies sa coffee shop, mga mababantot na naggiGym sa labas ng Boarding House ko, at maging ng mga bakla na nakatambay sa labas ng parlor (na katabi ng suki kong karinderya), madalas kong marinig ang terminong Incompatibility.

“Siguro di talaga kame swak sa isa’t-isa…gusto ko to, pero yun ang gusto n’ya…”

At dahil nagkataon na sa araw-araw na pakikisalamuha ko sa kanila nitong mga nakaraang araw ay nagrereview ako ng mga posibleng statistical treatments sa kamoteng tisis ko, heto’t nakaisip ako ng pamamaraan upang ma-“measure” ang compatibility mo sa jowa mo.

(DISCLAIMER: Walang scientific proof ang sumusunod. Pawang kagunggungan lamang.)

So ganto ang gawin natin, hanapin naten ang mga trip mong gawin, at trip n’yang gawin. Tapos i-tabulate naten, at subukan nating hanapin ang level of significance ninyong dalawa. Heto ang pormulang gagamitin natin:

r= [∑xy- (∑x) (∑y)/n]
√ [∑x2- (∑x) (∑x)/n] [∑y2- (∑y) (∑y)/n]



Let:

x= Boy

y= Girl

xy= minultiply na boy at girl

∑xy= summation ng minultiply na Boy at Girl

x2= Dinobleng Boy

y2= Dinobleng Girl

∑x2= summation ng dinobleng boy

∑y2= summation ng dinobleng girl

n= bilang ng mga trip nyong gawin

Ngayon, ang gagawin natin ay itabulate ang mga trip nyong gawin.
Halimbawa:
1. magmall
2. manood ng sine
3. manood ng basketball game
4. magkape
5. maglibrary
6. magusap ng mga pilosopikal na bagay
7. mag-usap tungkol sa kabulukan ng gubyernong Arroyo
8. mag-usap ng mga debate motions (dahil isa sa inyo ay alagad ni Sir Ali)
9. kumain ng Jolly Spaghetti
10. Manlait ng mga nakakasalubong.

Ito ngayon ang magko-constitute ng n.

Tapos, iskoran mo at ng jowa mo ang n. 1-10 ang rating scale; 10 being the highest (meaning super trip mo) at 1 being the lowest (meaning super badtrip ka)

Halimbawa: MAGMALL-- x=5; y=10

Tapos isquare mo ang x at y, para makuha ang x2 at y2. (x2=25; y2=100)

Tapos imultiply mo ang x at y, para makuha ang xy.

Tapos, itable mo.

Kunin ang ∑ by simply adding all x's, y's, x2's, y2's, at xy's

Tapos, ayun, iderive mo na ung formula. Malaki ka na. Alam mo na yan, at tinatamad na ko magtype.

Ito dapat ang sagot mo (kung hindi ito ang sagot mo, ulitin; kung di pa rin pareho, wag ka mangealam, blog ko to; absolute ang sagot ko.)

r= 0.39

Ngayon tatanungin mo ako kung ano ang interpretation nyan. Well, eto ang interpretation ng mga sagot sa Coefficient-Correlation:

0.7-0.99= High positive correlation
0.3-0.69= Moderate positive correlation
0.1-0.29= Low positive correlation
Lower than 0.1= Negligible correlation

In short, kung kayong magjowa ang naexample sa taas ay moderate ang inyong konek. May mga bagay na ok kayo, na halos katumbas din ng mga bagay na magkaiba ang trip n’yo.

So ano ngayon ang implikasyon? Aba ewan ko sa inyo, either gustuhin mo ang gusto nya o gustuhin nya ang gusto mo. Ngayon kung di nyo magustuhan ang isa’t-isa, edi ayaw nyo sa isa’t-isa. Ergo, magbreak nalang kayo. (But don’t laslas yourself.)

Monday, January 26, 2009

SERYENG EMO: Tomo 1, Blg. 3: Mga Praktikal na Tips sa Pagpili ng Trabaho

Sa t’wing magtatanong ang sangkatauhan kung san ako nagtuturo, dalawa palagi ang sagot ko—syempre, dalawa naman tlaga ang unibersidad na pinaglalagian ko bilang “gurong kaladkarin” (sarili kong translation sa part-time teacher; wala kaseng permanenteng eskwelahan e). Pero aaminin kong pag may tono ng kayabangan ang nagtatanong saken (tipong ineestima ako dahil muka akong adik) lantaran kong sinasabing sa La Salle ako nagtuturo,



“Sa Benilde?”



Ang madalas na follow-up question.



“Ay hindi, sa Main.”



Sabay ngiti na may pagpapakumbaba…pero deep inside, “Kala mo ikaw lang mayabang sa mundo a…”



Pero di yan ang paksa ko.



Napapadalas na din kase ang tanong saken kung baket ako nananatili sa PNU, gayong ilang buwan akong ‘di pinasweldo at buwan-buwang delayed ang dating ng sahod. Lagi kong rason na binabalik ko lang sa PNU ang tinulong nito saken bilang iskolar ng bayan. Lagi kong dinadahilan na gusto ko lang makatulong sa mga gaya ko na may simpleng pangarap: ang makatapos sa pag-aaral, makapagturo, at makatulong sa pamilya.



Pero di ko ikakaila na madalas kong daing ang krisis pampinansyal. Magkano lang naman ang sweldo ng part time sa PNU? Delayed pa. Tuloy tanong ko na din sa sarili, “Bakit nga ba?”



Lately, nahanap ko na ata ang sagot; isang simpleng katotohanan…PNU is where I belong (Naks! Parang tagline ng GMA-7 nung 90’s)



Pero totoo! Sa constant chikahan ko sa’king mga profs (na ngayon ay kapwa ko na guro) unti-unti kong napapagtanto na hindi ako nag-iisa sa PNU. Lahat pala kame ay ganon pa rin. Hikahos. Pero masaya. Yung inaakala mong prof mo na maraming pera? Wala rin pala. Baon din sa utang, gaya ko. (Syempre di ko na ikukuwento kung sino)



Naisip ko, siguro ito ang dahilan kung bakit kahit mababait naman ang mga teacher sa La Salle, di ako makakonek. Pag nagkwentuhan kase sila di ko nararamdaman na nagutom sila; na naglakad sila dahil walang pamasahe; na nagpa-photocopy ng paisa-isang chapter dahil walang pambili ng libro. (N.B. Di ko rin naman sinasabing payabangan ang moda nila. OK din naman ang mga joke time nila…pero yun nga, baka dahil puro joke time kame sa La Salle at walang madramang tagpo at masinsinang usap.)



Hindi naman ako career expert. Pero siguro ang tinutumbok ko ay ang katotohanan na kung saang trabaho ka man nakakonekta ngayon, pinakamahalaga ang saya na nararamdaman mo. Masasabi ko sa ngayon na walang katumbas na salapi ang mga halakhak na matatamasa mo kasama ang mga tunay na tao: ang mga estudyanteng pareho kong butas ang bulsa; ang mga kapwa ko guro na may sari-sariling bagyong binubuno.



Noon, regular ang pasok ng sahod ko sa ATM; may bigas quarterly; may bonus (kuno) every 3 months; at kung ano pang anik-anik. Pero di ko na-feel ang “fulfillment” at “growth.” (Pero hindi ko tinotolerate ang kabulukan ng sistema sa mga public schools, PNU included)


Maraming salik ang pagpili ng trabaho. Pag-isipang mabuti…at pinakamahalaga sa lahat, ipagdasal sa Diyos. After all, di ka rin naman nakatapos dahil lang sa sariling kakayanan…

Thursday, January 8, 2009

SERYENG EMOLASLAS: Tomo 1, Blg. 2: Mga Praktikal na Tips sa Panliligaw

O teka, reaksyunaryo ka naman masyado. Syempre alam ko namang di ako expert sa larangan ng panliligaw. Ang mga babasahin mo sa ibaba ay mga tugon lang ng mga girl-friends ko na informal kong sinarbey…

Nung hayskul ako, mga request na “Pre, tulungan mo naman ako manligaw oh…” ang usual na maririnig mo sa barkadahan. Syempre yung mga dabarkads kong may jowa nung mga panahon na yon, maraming shineshare (at top-the-lolo story ang labanan, kung Hershey’s yung binigay nung nauna, Cadbury naman ung iyayabang nung pangalawa, syempre yung pangatlo Ferero ang iyayabang; samantalang ako Goya lang)

Ang mga usual approach nung kapanuhanan namen e medyo discreet pa. May texting na din naman noon, pero pang rich and da famous lang yun. 15kyaw pa kase ang 8210 noon, at 5110 ang humahataw sa takilya.

Number one pa nun yung PA-KYUT GAMIT ANG GITARA approach; although medyo bumenta din noon kung dancer ka (naalala ko tuloy ang Palara Boys, Dance group nina MV Welsh Jay, Bryan Romero, at Geoff Valencia) Ang masaklap neto, isa ako sa mga gitarista sa PCU, pero kahit kelan, di bumenta sa chiks ang todong pakyut habang kinakalabit ko ang gitara kong nabili ko dahil sa pagbebenta ng turon at lumpiang toge. Tanggap ko naman na palagi akong basted, bukbukin kase ang muka ko, payatot, at higit sa lahat, wala akong pera (hanggang ngayon naman..hehe)

Sa di malamang kadahilanan, nauso din noon yung mga LOVE LETTERS na nakasulat sa tissue paper. Grabe. Sa sobrang panget ko magsulat, as usual, olats ako sa approach na ito. Matinde mga barkada ko non. May subject kase kaming Bible sa PCU. Syempre, kadalasan walang dala ang mga studyante non (e kahit nga yung ibang nagsisimba, di nagdadala ng Bibliya e, yun pa kayang hayskul student) So ang siste, hihiram ng Bible sa kras (o kaya Physics textbook) tapos pag sinole, nakaipit na ang tissue. Ang di ko alam, kung binasa ng kras yon, o pinang-iwang lang.

Pero di yang mga nasa itaas ang pinupunto ko, eto talaga. Ayon sa aking survey, heto ang mga katangian na gusto ng mga babae sa lalake (inuulit ko, informal ang sarbey na ito, so statistically, not valid and not reliable)

1. May sense kausap
2. May sense of humor
3. Sensitive

Kung napansin mo, lahat ng tatlong yan ay may “sense” Ibig bang sabihin nito ay “common sense” lang ang kailangan sa panliligaw? Marahil. Kaso sabi ni Ralph Waldo Emerson, “Common sense is not common at all.”

Kung manliligaw ka dude, siguraduhin mong kaya mong magsustain ng conversation. Karamihan kase ng mga girls, mahilig makipagkwentuhan (so related sa unang serye, kelangan medyo may variety ang mga alam mo. Di lang about basketball, UFC, o kaya Dota. Mahalaga din na alam mong hindi club sa Mindanao Ave. ang Twilight na kinababaliwan ng mga kabababihan ngayon.

Pangalawa (although mahirap to, kase pag pilit korni ang dating) dapat kaya mo s’yang patawanin. Sabi nga ng mga napagtanungan ko, kung di daw sila mapapatawa ng guy, edi parang ang miserable naman daw ng magiging dates nila.

Pangatlo, dapat daw e sensitive ka (di naman to the point na iyakin ka na) yun lang alam mong makiramdam sa gusto ng girl. (dito super guilty ako, bubugbugin ako ni Kay pag nabasa nya to) Kunware, dapat alam mong idol na idol ng nililigawan mo si Ai-Ai, so wag na magatubili pa, kahit korni para sayo, yayain mo sya manood ng Ang Tanging Ina Nyong Lahat. Dapat alam mo rin kung gusto na nya umuwi, magstroll pa, kumain, magTimezone, bunutin ung kilay mo, tuklapin ung whiteheads mo sa ilong o kaya kurutin kili-kili mo. Mahirap, pero as much as possible, gawin mo ung ikasasaya nya (pero syempre may limits, bahala ka na umisip kung ano ung limits)

Yun lang. Sa totoo lang, kung ayaw naman sayo ng babae, kahit anong pilit wala ka magagawa kundi maglaslas (joke lang. wag ka magpakamatay. Hellow. T_T Gayahin mo si Doc Hayden. EWWWYY!!!) Pag ayaw sayo, wag mo na kulitin; someday marerealize din nya na sya ang nawalan (yun e kung magaaral ka. Tapos magiging saksespul ka, tapos mabait ka and all. Pero, kung mananatili kang tambay, malake tiyan, lasenggero, walang pinag-aralan, malamang magbunyi pa yun sa right decision nya.

Tuesday, January 6, 2009

SERYENG EMO: Tomo 1, Blg. 1: Mga Praktikal na Tips sa Pagpili ng Jowa (para sa mga babae to)

Dahil sa nabubuang na ako sa pagsulat ng tisis kong walang kawawaan, pagbigyan n’yo na ko; magpapaka Joe D’ Mango muna ako sa mga blogs na ipapaskil ko…


Kanina, dahil wala pang klase sa Lasalle, ay buong maghapon akong tumambay sa PNU. Plano ko talagang mag-research at ituloy ang pagsulat ng atras-abante kong tisis, e kaso ewan ko ba…

Anyway, may napala naman ako maghapon (kahit papano). Bandang 2:30 ng hapon ng mapagtanto kong kelangan ko na talaga magpunta sa Library at maghagilap ng mga references. May katagalan na rin siguro akong di nakakaakyat sa 3rd floor, nagrigodon na pala ang maalikabok na mga bookshelves doon. In fairness, maalikabok pa rin sila.

Napansin kong as usual, mas maraming tambay sa meatshop sa harap ng CED at sa catwalk sa harap ng Luncheonette. Maluwag na maluwag ang Library, parang EDSA pag may laban si Pacquiao.

Pero in fairness, may nakita naman akong dati kong mga studyante. Partikular ang itatago natin sa pangalang Lara Croft. Nagdodrowing s’ya ng abutan ko, pero maya maya ay nagbasa na din. Nagkamustahan kame saglit, tinanong ko kung bat s’ya nag-iisa. Nalungkot ako sa sagot n’ya, “Ayaw nila dito sa Lib e.”

So ano ngayon ang relevance neto sa EMOLASLAS BLOG SERIES ko?

Simple lang. Mga girls, kung ako sa inyo, (lalo na kung studyante ka) bastedin ang mga lalakeng ayaw maglibrary—syempre literally at figuratively ito—(mga lalake, wag ligawan ang babaeng hindi nag-aaral o talagang ayaw lang mag-aral, korni yan kausap believe me)

O teka, wag kang reaksyunaryo. Ito naman e based on experience lang. Kung ayaw mo maniwala, e tigilan mo na ang pagbabasa neto.

Madalas mapagkwentuhan namen ni Kay ang bagay na ito. Napagtanto lang namen na malaki ang posibilidad na boring, walang kwenta, at korni kausap/kasama ang jowa na di nagbabasa o kaya di nag-aaral. Baket kamo? E ano’ng paguusapan n’yo kung wala namang laman ang kukote n’ya?

Eto ang mga posibleng topics n’yo:

1. Yung lamay kagabi. Klasmeyt nya nung grade 1. Nasaksak ng icepick

2. Yung ex-jowa nya na nagJapan dahil gusto iahon ang pamilya sa kahirapan (malamang iparamdam pa nya sayong magJapan ka na rin)

3. Yung snatcher sa Quiapo na nabilhan nya ng N95 for only P1,500 (at iinggitin ka pa n’yan)

4. Yung pinakaunforgettable moment sa karir n’ya bilang player sa liga pag summer. (nakagawa sya ng 2 points, pero ipagtatanggol ang sarili, “Ako naman halos ang gumawa ng rebounds. Grabe pagod na pagod ako tumalon!” Ang magandang sagot d’yan ay: “Try mo maging Kangaroo”)

5. Kung gaano kalaki na ang improvement sa biceps at triceps n’ya. Ok sana kung kasabay ng paglaki ng muscles e ung utak nya, o kaya kahit ung bank account lang sana pede na. Pero kung muscles lang tlaga, ampaw pa rin.

Pero kung sa tingin mo naman e “cool” ang mga topic na nasa itaas (lalo na pag “love” mo naman ang kausap mo) e kalimutan mo na lahat ng sinabi ko.

Thursday, January 1, 2009

Matsing ka ba?

Lingid sa kaalaman ng nakararami—marahil dahil sa aking buhok at porma—ay isa akong Born Again; at oo, bagamat isa akong makasalanan at madalas ay pilyong nilalang, ipinagmamalaki kong ako’y anak ng Diyos.

Bago lisanin ang taong 2008, nagkaroon ako ng pagkakataong dumalo sa isang retreat sa Naic, Cavite. Dito maraming bagay ang aking napagtanto. Kung susubukin kong ilista dito ang lahat ng aral na aking napagbulay-bulayan sa tatlong araw na retreat na iyon, baka libro ang maisulat ko. Pero dahil akmang-akma sa pagpapalit ng taon, hayaan n’yong ibahagi ko sa inyo ang ilustrasyon ng matsing.

***

Minsan ba’y naisip mo kung paanong hinuhuli ang matsing? Ang ibon ay kadalasang binabaril, ang isda ay kinakawil, pero ang matsing? Pano nga kaya?

Napakadali lamang naman pala.

Ang dapat lang palang gawin ay gumamit ng buko bilang pain. Ang nasabing buko ay tatapyasin (gaya ng pagtapyas na ginagawa ng tindero ng buko o kaya naman pag umorder ka ng buko juice sa restoran). Pagkatapos nito ay lalagyan ng anumang bagay na pahaba sa loob na maaaring bumara sa butas pag kinuha ito.

Syempre, ang mga taong gaya natin ay maiisip na itagilid o itayo ang bagay upang mabunot ito sa loob, pero ang matsing, hinde. Ipapasok ng matsing ang kanyang kamay sa loob ng buko; hahawakan ito ng mahigpit na mahigpit; aangkinin nya ang bagay na iyon (kahit di naman n’ya alam kung ano ba tlaga iyon). Tapos ay pilit nya itong bubunutin mula sa buko. Syempre, dahil hawak nya ito ng mahigpit, babara ito sa maliit na butas ng buko.

Dito na s’ya sisimulang habulin ng mangangaso; at oo, kahit na may nakaambang panganib ay ‘di n’ya bibitiwan ang bagay na iyon. Isasama n’ya ang buko sa kanyang pagtakbo; at dahil mabigat ito, babagal ang pagtakbo n’ya at madaling madarakip.

***

Napakasimple lang naman ng aral na itinuro sa atin ng ugaling matsing. Babagal ang byahe mo kung marami kang dala. Madarakip ka ng kaaway kung di ka magbabawas ng karga. Gayon din sa ating buhay. Hindi ba’t lalo tayong bumabagal; lalo tayong nababalisa sa dami ng mga iniisip natin? Syempre, bilang tao, hindi mo naman talaga maaalis ang mga problemang dumarating sa buhay mo. Pero subukin mong bitiwan ang mga bitbit mo at ipagkatiwala sa Diyos, at tiyak na makakaramdam ka ng pagkakuntento. Kung ang Krus nga binitbit ni Kristo para sa’yo, yan pa kayang simpleng problema na yan?

Oo. Kung iniisip mong madali itong sabihin pero mahirap gawin, tama ka, tao tayo e. Ako man ay maraming problema; ako man ay may dalang mabigat; ako man ay may malaking utang. At hindi ko naman sinasabing nagawa ko na ito; hindi ko sinasabing matibay ako sa lahat ng pagkakataon. Pero kung ating itutuon ang ating paningin sa Diyos, kung ating ipagkakatiwala sa kanya ang lahat, pihadong mararamdaman mo kung gaano kakomporableng tumakbo, mag-aral, magtrabaho, at mamuhay sa “malupit na mundo”.
***

Ngayon, saliksikin ang sarili.

Matsing ka nga ba?