Thursday, January 1, 2009

Matsing ka ba?

Lingid sa kaalaman ng nakararami—marahil dahil sa aking buhok at porma—ay isa akong Born Again; at oo, bagamat isa akong makasalanan at madalas ay pilyong nilalang, ipinagmamalaki kong ako’y anak ng Diyos.

Bago lisanin ang taong 2008, nagkaroon ako ng pagkakataong dumalo sa isang retreat sa Naic, Cavite. Dito maraming bagay ang aking napagtanto. Kung susubukin kong ilista dito ang lahat ng aral na aking napagbulay-bulayan sa tatlong araw na retreat na iyon, baka libro ang maisulat ko. Pero dahil akmang-akma sa pagpapalit ng taon, hayaan n’yong ibahagi ko sa inyo ang ilustrasyon ng matsing.

***

Minsan ba’y naisip mo kung paanong hinuhuli ang matsing? Ang ibon ay kadalasang binabaril, ang isda ay kinakawil, pero ang matsing? Pano nga kaya?

Napakadali lamang naman pala.

Ang dapat lang palang gawin ay gumamit ng buko bilang pain. Ang nasabing buko ay tatapyasin (gaya ng pagtapyas na ginagawa ng tindero ng buko o kaya naman pag umorder ka ng buko juice sa restoran). Pagkatapos nito ay lalagyan ng anumang bagay na pahaba sa loob na maaaring bumara sa butas pag kinuha ito.

Syempre, ang mga taong gaya natin ay maiisip na itagilid o itayo ang bagay upang mabunot ito sa loob, pero ang matsing, hinde. Ipapasok ng matsing ang kanyang kamay sa loob ng buko; hahawakan ito ng mahigpit na mahigpit; aangkinin nya ang bagay na iyon (kahit di naman n’ya alam kung ano ba tlaga iyon). Tapos ay pilit nya itong bubunutin mula sa buko. Syempre, dahil hawak nya ito ng mahigpit, babara ito sa maliit na butas ng buko.

Dito na s’ya sisimulang habulin ng mangangaso; at oo, kahit na may nakaambang panganib ay ‘di n’ya bibitiwan ang bagay na iyon. Isasama n’ya ang buko sa kanyang pagtakbo; at dahil mabigat ito, babagal ang pagtakbo n’ya at madaling madarakip.

***

Napakasimple lang naman ng aral na itinuro sa atin ng ugaling matsing. Babagal ang byahe mo kung marami kang dala. Madarakip ka ng kaaway kung di ka magbabawas ng karga. Gayon din sa ating buhay. Hindi ba’t lalo tayong bumabagal; lalo tayong nababalisa sa dami ng mga iniisip natin? Syempre, bilang tao, hindi mo naman talaga maaalis ang mga problemang dumarating sa buhay mo. Pero subukin mong bitiwan ang mga bitbit mo at ipagkatiwala sa Diyos, at tiyak na makakaramdam ka ng pagkakuntento. Kung ang Krus nga binitbit ni Kristo para sa’yo, yan pa kayang simpleng problema na yan?

Oo. Kung iniisip mong madali itong sabihin pero mahirap gawin, tama ka, tao tayo e. Ako man ay maraming problema; ako man ay may dalang mabigat; ako man ay may malaking utang. At hindi ko naman sinasabing nagawa ko na ito; hindi ko sinasabing matibay ako sa lahat ng pagkakataon. Pero kung ating itutuon ang ating paningin sa Diyos, kung ating ipagkakatiwala sa kanya ang lahat, pihadong mararamdaman mo kung gaano kakomporableng tumakbo, mag-aral, magtrabaho, at mamuhay sa “malupit na mundo”.
***

Ngayon, saliksikin ang sarili.

Matsing ka nga ba?

No comments: