Sa t’wing magtatanong ang sangkatauhan kung san ako nagtuturo, dalawa palagi ang sagot ko—syempre, dalawa naman tlaga ang unibersidad na pinaglalagian ko bilang “gurong kaladkarin” (sarili kong translation sa part-time teacher; wala kaseng permanenteng eskwelahan e). Pero aaminin kong pag may tono ng kayabangan ang nagtatanong saken (tipong ineestima ako dahil muka akong adik) lantaran kong sinasabing sa La Salle ako nagtuturo,
“Sa Benilde?”
Ang madalas na follow-up question.
“Ay hindi, sa Main.”
Sabay ngiti na may pagpapakumbaba…pero deep inside, “Kala mo ikaw lang mayabang sa mundo a…”
Pero di yan ang paksa ko.
Napapadalas na din kase ang tanong saken kung baket ako nananatili sa PNU, gayong ilang buwan akong ‘di pinasweldo at buwan-buwang delayed ang dating ng sahod. Lagi kong rason na binabalik ko lang sa PNU ang tinulong nito saken bilang iskolar ng bayan. Lagi kong dinadahilan na gusto ko lang makatulong sa mga gaya ko na may simpleng pangarap: ang makatapos sa pag-aaral, makapagturo, at makatulong sa pamilya.
Pero di ko ikakaila na madalas kong daing ang krisis pampinansyal. Magkano lang naman ang sweldo ng part time sa PNU? Delayed pa. Tuloy tanong ko na din sa sarili, “Bakit nga ba?”
Lately, nahanap ko na ata ang sagot; isang simpleng katotohanan…PNU is where I belong (Naks! Parang tagline ng GMA-7 nung 90’s)
Pero totoo! Sa constant chikahan ko sa’king mga profs (na ngayon ay kapwa ko na guro) unti-unti kong napapagtanto na hindi ako nag-iisa sa PNU. Lahat pala kame ay ganon pa rin. Hikahos. Pero masaya. Yung inaakala mong prof mo na maraming pera? Wala rin pala. Baon din sa utang, gaya ko. (Syempre di ko na ikukuwento kung sino)
Naisip ko, siguro ito ang dahilan kung bakit kahit mababait naman ang mga teacher sa La Salle, di ako makakonek. Pag nagkwentuhan kase sila di ko nararamdaman na nagutom sila; na naglakad sila dahil walang pamasahe; na nagpa-photocopy ng paisa-isang chapter dahil walang pambili ng libro. (N.B. Di ko rin naman sinasabing payabangan ang moda nila. OK din naman ang mga joke time nila…pero yun nga, baka dahil puro joke time kame sa La Salle at walang madramang tagpo at masinsinang usap.)
Hindi naman ako career expert. Pero siguro ang tinutumbok ko ay ang katotohanan na kung saang trabaho ka man nakakonekta ngayon, pinakamahalaga ang saya na nararamdaman mo. Masasabi ko sa ngayon na walang katumbas na salapi ang mga halakhak na matatamasa mo kasama ang mga tunay na tao: ang mga estudyanteng pareho kong butas ang bulsa; ang mga kapwa ko guro na may sari-sariling bagyong binubuno.
Noon, regular ang pasok ng sahod ko sa ATM; may bigas quarterly; may bonus (kuno) every 3 months; at kung ano pang anik-anik. Pero di ko na-feel ang “fulfillment” at “growth.” (Pero hindi ko tinotolerate ang kabulukan ng sistema sa mga public schools, PNU included)
Maraming salik ang pagpili ng trabaho. Pag-isipang mabuti…at pinakamahalaga sa lahat, ipagdasal sa Diyos. After all, di ka rin naman nakatapos dahil lang sa sariling kakayanan…
No comments:
Post a Comment